PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s SPEECH
DURING THE 37TH COMMENCEMENT EXERCISES OF THE
PHILIPPINE NATIONAL POLICE ACADEMY (PNPA)
“MASUNDAYAW” CLASS OF 2016
PNPA Grandstand, Camp Gen. Mariano N. Castañeda
Silang, Cavite
March 10, 2016
03102016A
(applause) Maupo ho tayo.
Cadet 2nd Class Enca, kindly give the troops ‘Tikas pahinga.’
Vice President Jejomar Binay; Secretary Mel Senen Sarmiento; Secretary Sonny Coloma; Senator Nancy Binay; Dr. Ricardo de Leon; Police Chief Superintendent Armando Ramolete; PNP Chief Police Director General Ricardo Marquez; Jail Chief Superintendent Deogracias Tapayan; Fire Director Ariel Barayuga; Governor Juanito Victor Remulla; Mayor Emilia Poblete; graduates of the PNPA “Masundayaw” Class of 2016 and their families; corps cadets of the PNPA; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang tanghali po sa inyong lahat.
Ito na nga po ang huling pagkakataon na dadalo ako sa pagtatapos sa Philippine National Police Academy bilang inyong Pangulo. Ngayong kaharap ko kayo, nakikita natin ang inyong paghakbang sa panibagong yugto ng inyong buhay bilang mga lingkod bayan. Sa mga bagong miyembro ng ating unipormadong serbisyo, ang “Masundayaw” Class of 2016, sa inyong mga magulang at mahal sa buhay: Congratulations! po sa inyong lahat. (applause)
Sa halos anim na taon nating pagtahak sa Daang Matuwid, malayo na ang ating narating; marami na po tayong napagtagumpayan. Alam din natin: Mayroon pa ring mga dapat tugunan, pero ang mahalaga, tinututukan na natin ang mga ito, nang hindi na maipamana pa sa susunod sa atin.
Alam naman ninyo ang ating pinanggalingan. Pumasok kayo bilang plebo noong taong 2012, kung kailan sariwa pa ang mga horror story ukol sa kapulisan, na naganap sa panahon ng ating sinundan. Nariyan ang pagbili ng mga chopper sa presyong brand new, pero yun pala, second hand lang. Mayroong mga bagong pulis na para lang magka-baril, kailangan pang bilhin ang rights ng mga nagreretiro. Kuwento rin sa atin, malaki ang gastos noon pala, noon para lang makapasok sa pagpupulis. Ang solusyon ng mga nagnanais magserbisyo: mangutang. Tuloy, bago pa maging pulis at magkasweldo, ang iniisip na, paano makakabangon sa pagkabaon sa utang.
Noon naman pong mambabatas pa lang tayo, nalaman natin ang mahirap na sitwasyon ng ating mga bumbero. Kapag may sunog, siyempre may makapal na usok; pahirapan ang huminga. Pero dahil walang breathing apparatus, bubugahan na lang daw ng tubig ng ating mga bumbero ang usok para maitapwe para makaresponde.
Ito nga po ay ilan lang sa mga problemang ating dinatnan sa inyo pong mga hanay. Napaisip nga tayo: Sa ganitong sitwasyon, paano kaya gaganahan ang mga tulad ninyong nais pumasok sa serbisyo? Nagbubuhos kayo ng dedikasyon para arugain ang Estado, pero kulang-kulang naman ang suportang ipinagkakaloob sa inyo. Paano ninyo makikita ang maliwanag na kinabukasan para sa pamilya, kung pinapalabo ito ng kapabayaan ng baluktot na kalakaran?
Tapos na ang panahong iyan. Sa Daang Matuwid, nagpatupad tayo ng reporma; idiniin natin na ang mga nagtatanggol at nagmamalasakit sa taumbayan, ay dapat ding protektahan at arugain ng Estado. Sa panata nating walang maiiwan sa kaunlaran, kasama kayong nasa unipormadong serbisyo.
Sa ating termino, pinaunlad natin ang “Shoot, Scoot, and Communicate” para sa inyong hanay. Kung dati, nasa serbisyo kayong walang tangang baril, sa ilalim ng Daang Matuwid, nakamit na natin ang one is to one police to pistol ratio. Noong 2013 nga po, naipagkaloob na natin ang 74,879 units ng Glock 17 9mm pistol sa atin pong kapulisan. Kasabay nito ang pagbili natin ng iba pang kagamitan gaya ng 1,490 patrol jeeps, 247 na 4x4 personnel carrier, 69 na light transport vehicles, 1,095 motorsiklo, 12,949 na mga radyo.
Bukod sa pagkakaloob ng mga kagamitan para sa mas epektibong masugpo ang krimen, pinaunlad din natin ang mga sistema at proyektong nakatuon sa mas matalino at mas pinag-aralang stratehiya sa pagsusulong ng peace and order. Meron na nga kayong modernong Integrated Ballistics Identification System, pati na ang Automated Fingerprint Identification System. Banggitin ko na rin po ang Closed-Circuit Television Project ng ating PNP, para bantayan ang matatawag na crime-prone areas sa ating National Capital Region.
Isa pa nga po sa mga sinisikap nating tugunan, at saksi po si PNP Chief Ricardo Marquez sa pangungulit ko, ay ang pagkakaloob sa ating mga kapulisan naman ng raincoat. Siguro ngayong El Niño, di pa ito masyadong gagamitin, pero paano naman po ‘pag humahagupit na naman ang panahon ng tag-ulan? Di naman pwedeng balewalain natin ang kalusugan at kapakanan ng mga nasa serbisyo, lalo na kapag sumasabak sila sa atin pong mga operasyon. At maski na ho pangatlo o pang-apat na si General Marquez na binilinan ko ‘to, sigurado po ako bago ako makababa ay malaki laki na po ang natapos ni General Marquez dito.
Gaya ng nabanggit ko na, kailangan din nating suriin ang ating PNP Law. Sa ganitong paraan, matutukoy ang mga probisyong pumipigil sa agarang pagpapataw ng parusa sa mga pinunong nagkukulang sa pagtupad ng tungkulin. Gayundin, mapapaigting nito ang disiplina sa pagsunod sa ating mga patakaran, at mapapangalagaan ang karapatan ng lahat.
Bukod sa mga nabanggit ko na sa kapulisan, buong-buo rin ang suporta natin para sa pagpapalakas sa kakayahan ng ating kasapi ng ating BJMP. Sa ating panunungkulan, ang ipinagkaloob nating pondo sa ahensya, umabot na po sa 393 million pesos. Kabilang dito ang pagbili at pagkakaloob sa inyo ng mga de-kalibreng baril, portable radio systems, maging mga prisoner vans. Para naman po sa Bureau of Fire and Protection, kabuuang 4.46 billion pesos na ang ating naipagkaloob sa ilalim ng ating termino. Kasama sa binili ninyo ang mga bagong fire trucks, bagong kasuotan at proteksyon ng mga bumbero, pati na ang mga self-contained breathing apparatus.
Para nga po sa ating buong unipormadong hanay, pinirmahan natin ang isang Executive Order na magdaragdag sa inyong mga umento: Ang monthly hazard pay—mula 240 pesos, tumaas patungong 390 pesos ngayong taon; saklaw din ng Executive Order na ito ang pagtaas ng inyong provisional allowance depende sa ranggo, kung saan may makakatanggap ng hanggang 14,214 pesos, at ang officers’ allowance para sa mga Senior Inspector pataas. Pati pabahay para sa ating mga kawal at kapulisan. (applause) Talaga pong tinutukan natin. Higit sa 61,300 units na po ang nakumpleto sa ilalim ng programang pabahay natin para sa ating unipormadong hanay, kasama ang mga kasapi ng PNP, BJMP, BFP sa benepisyaryo po nito.
Idiin ko nga po: Lahat ng benepisyo at suportang natatamasa ninyo, bunga ng matinding repormang isinusulong natin sa Daang Matuwid. Ang yumaong Secretary Jesse Robredo nga ang nagsimula ng positibong transpormasyon sa atin pong DILG; ipinagpatuloy at talaga namang pinalawak iyan ni Secretary Mar Roxas, na siyang tumimon sa inyong departamento sa loob ng halos tatlong taon. Ngayon naman po, iyang legasiya ng matapat at maaasahang paglilingkod ang siyang ipinagpapatuloy ng ating kasalukuyang DILG Secretary na si Mel Sarmiento.
Sa lahat ng pamumuhunan nating ito upang paunlarin ang kakayahan ninyong mga kasapi ng unipomadong serbisyo, nakikita naman po natin ang positibong resulta. Pinatunayan ninyo: Kapag kinalinga kayo ng Estado, lalo kayong nagiging ganadong tuparin ang inyong mandato. Tingnan na lang natin ang ating crime statistics: Dati, ang pagrereport sa mga krimen, isinusulat-kamay sa mga logbook. Ngayon, ginagamit natin ang teknolohiya para sa mas episyente at mas mabilis na pagrereport ng krimen. At dahil mas tama ang datos, nakakapagpanday tayo ng mas epektibong mga stratehiya upang lumutas ng mga krimen. Ang Crime Solution Efficiency natin, mula 18.64 percent noong tayong naupo nung 2010, naiangat na natin sa 51.36 percent nitong 2015. Sa ilalim ng Oplan Lambat-Sibat, nakahuli na tayo ng 746 na Most Wanted Persons sa National Capital Region, 499 sa Region 3, at 580 sa Region 4A. Sabi nga sa atin ng dati ninyong hepe sa DILG, dahil sa paghuli ng mga utak at lider nitong mga sindikato, napipigil na rin ang mga galamay nito, kaya’t bumabagsak ang bilang ng krimen. Kaakibat pa ng pagtugis sa masasamang loob, libu-libong baril, unlicensed vehicles ang ating nakumpiska o nai-impound.
Sa atin namang BJMP, mula Hulyo ng taong 2010 hanggang nitong Disyembre ng taong 2015, nadakip ninyo ang 7,237 na inmates at bisita nitong nagdadala ng kontrabando; nasabat din ninyo ang 48,699 na mga deadly weapons, mahigit 1,100 gramo ng shabu at marijuana, halos 4,900 na drug paraphernalia. Sa lahat po ng ito, isang matinding congratulations! Pero kasabay po nito, mapapatanong ka: Paano nakapasok ang mga droga at kontrabando sa mga piitan? Palagay ko, kailangan pa nating paigtingin ang pagbabantay at mga proseso upang mas mapabuti pa ang ating serbisyo.
Malinaw po: Nagawa nating palakasin ang inyong hanay nang hindi kinakalimutan ang iba pang pangangailangan. Hindi paisa-isa ang ating tutok, kundi tinutugunan din natin ang iba pang nangangailangang sektor. Isa lang pong halimbawa niyan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Target natin ngayong taon: mapaabot sa 4.6 milyong kabahayan ang benepisyaryo nito. Kumbaga ho yung natitira lang 200,000 ang natitirang target. Ngayon nga po, sa tulong ng programa nabanggit na po kanina, nasa 7.7 milyong Pilipino ang nakalampas na sa tinatawag nating poverty line. Layunin po natin masigurado hindi na sila bumagsak ulit sa ilalim ng poverty line.
Nagawa natin ang lahat ng ito nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss; hindi po tayo nagdagdag ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax, na layuning mapaunlad ang ating serbisyong pangkalusugan.
Ngayon, bilang mga bagong pulis at kasapi ng ating unipormadong serbisyo, nasa balikat po ninyo ang responsibilidad ng pagtutuloy ng mga tagumpay na ito. Ang sabi nga po sa natin: Simula pa lang ito, kaya huwag sana ninyong sayangin ang pinaghirapan ng mga nauna sa inyo.
Alam naman po natin, sa Mayo, halalan na naman. Para sa unipormadong hanay, panahon ito ng iba’t ibang tukso. Uulitin ko ang hamon ko sa bawat pagkakataong humaharap ako sa mga guma-graduate tulad ninyo: Kung abutan kayo ng sobre kapalit ng inyong dangal, magpapabili ba kayo? Kung may nagpangakong promotion, kapalit ng inyong pananahimik sa harap ng katiwalian o pang-aabuso, tatanggapin ba ninyo? Kung pinapili kayo: Bayan o sarili—alin ang uunahin ninyo?
Tiwala po akong nahubog kayo nang husto ng PNPA upang manatiling tumatahak, palagi, sa Daang Matuwid. Sa mga darating na buwan, marching orders sa inyo: Siguruhing ligtas, mapayapa, at tunay na sasalamin sa pasya ng ating mga Boss ang ating eleksyon. Tumalima kayo sa inyong tungkulin, at sumunod kayo sa utos ng inyong mga opisyal, pinuno, at sa buong liderato. Palagi ninyong alalahanin: Hindi kayo nag-iisa. Marami kayong katuwang sa paglilingkod, at magagawa natin nang mas tama at mas husto ang ating trabaho kung magiging wasto ang inyong pakikipag-ugnayan. Higit nating maisusulong ang inyong kapakanan kung magpapakita kayo ng tiwala sa inyong kapwa lingkod-bayan, lalo na sa iba pa ninyong mga kapatid sa unipormadong hanay.
Alam niyo, bilang Pangulo, tuwing pumapasok ako sa ating mga kampo-militar, bahagi ng kanilang tradisyon ang magbigay-pugay. Pero pansin ko lang po, lalo na noong umpisa, pagdating sa ating mga kapulisan, para bang hindi pa ninyo alam ang inyong gagawin. Sa totoo lang, hindi naman ako kulang sa pansin. Minsan nga, kung hindi tayo nakakasira ng tradisyon, kailangan i-wave na natin ang ganitong mga pagkilala. Pero sa ganitong simpleng kilos, masasalamin din natin ang kabuuan, kung gaano kayo kasigasig at kagilas sa pagtupad ng serbisyo.
Kalaunan nga, sa paglipas ng panahon, at mas nakakasalamuha ko kayo, kapansin-pansin na ang inyong sigla sa pagbibigay ng atensyon. Ngayon, mas matayog na ang inyong tindig at mas matikas na pati ang inyong pagsaludo. Patunay ito sa inyong kompiyansa at mas matayog na ninyong pagtingin sa sarili, bunsod ng pagbabagong ginawa at ginagawa natin sa inyo pong hanay at sa atin pong lipunan.
Talaga naman pong marami sa inyo ang nagpakitang-gilas sa serbisyo or magpapakitang gilas sa serbisyo, at nagpakita na nga po. Kasama po riyan si Senior Inspector Charity Galvez, na matagumpay na pinamunuan ang pangkat upang mapaatras ang tinatayang 250 rebeldeng grupong sumalakay sa kanilang presinto sa Agusan del Sur taong 2011. Nariyan din ang apat na kababaihang pulis na kinabibilangan nina Juliet Macabadbad, Delia Langpawen, Mercelina Bantiyag, at Maricel Rueco. Baguhan man sa serbisyo, buong loob silang rumesponde at nakipaglaban upang tugisin ang Martilyo Gang na nagnanakaw sa isang mall sa Pasay. Sa kanilang mabuting huwaran, at sa iba pa nating mga hanay na ibinubuwis ang kanilang buhay para sa kapayapaan, talaga pong isang taos-pusong pasasalamat.
Alalahanin natin: Bahagi ng ating buhay at serbisyo ang araw-araw na pagharap sa sangandaan: Bilang kasapi ng unipormadong serbisyo, aarugain ba ninyo ang ating mga kababayan, o pahahabain lang natin ang kanilang pagdurusa? Bilang kasapi ng PNP, BJMP at BFP, higit pa sa ibang mga kawani ng pamahalaan, kayo ang magsisilbing mukha ng gobyerno sa ating mga komunidad. Napakalaki ng papel na ginagampanan ninyo sa pangangalaga at pagsasaayos ng ating lipunan. Kayo ang takbuhan, ang sumbungan, ang frontliner sa panahon ng pangangailangan.
Sabi ko nga po, kapag sinubukan mong magsalok ng tubig gamit ang iyong mga palad, at ito po’y tinuro sa akin ng aking mga guro, kailangan pagka-ingatan mo ito. Dapat wala ni katiting na espasyo sa pagitan ng iyong mga kamay dahil ‘pag binuksan po natin at may konting espasyo mahahalintulad daw natin ang ating prinsipyo sa tubig na tumatagas. Hindi raw ho pepwede na kapirasong prinsipyo lang ang pakakawalan natin, nadadamay raw ho lahat pag tayo ay nagbigay ng ganung klaseng puwang.